0

ang hindi lumingon

Posted by poeticnook on 7/01/2013 01:20:00 PM in
Sabi nila, marami daw ang nakakalimot lumingon sa kanilang pinanggalingan. Hindi ko minsan naisip na mangyayari to sa kin.

Parang kahapon lang ng ako'y nasa Sibuyan kasama si Lola, umiigib ng tubig sa poso, nagtatampisaw sa ilog at dagat, nagtatabi tabi po sa mga kulipaw at nagbibilang ng mga huni ng kuliglig pagdating ng gabi dahil walang ingay ng mga de kuryenteng gamit sa paligid.

Naalala ko pa na pinapapasok namin ni Lolo ang mga manok sa ilalim ng aming bahay kubo tuwing hapon at ginigising kami ng mga tilaok nito pagdating ng umaga. Pag tanghali naman ay sinusubukan naming sungkitin ang mga lomboy, mangga, at tambis sa aming puno para meron kaming imimiryenda.

Ang simple ng buhay noon, walang kailangan pag aralan kundi ang paglipas ng panahon at pag iwas sa mga bagyong sasalanta sa aming taniman. Kung suswertihin ay may malalaking isda o lambay na ilalako sa aming bakod at papalitan ang mga ito ni Lola ng isang salop na bigas o ng ilang niyog at saging.

Maliit din ang mundo noon, lahat ng tao sa paligid ay pamangkin ng kapatid ng apo ng tatay ng pinsan ni kuwan. Lahat ng tao ay kamag anak, mabait at mapagkakatiwalaan.

Hindi ko alam kung kelan ko unang napansin na nagbago ang ikot ng mundo, kung kelan naging kumplekado ang lahat, kung kelan biglang lahat ng bagay ay natutumbasan ng pera, kung kailan nawala ang pagtitiwala ng mga tao sa isa't isa.

Siguro nagsimula  ito ng tumigil sa paghuni ang mga kuliglig na natabunan ng tunog ng mga radyo at telebisyon sa kanto. Malamang kasabay nito ang pagkawala ng mga kulipaw at mga puno sa paligid ng dati naming kubo. Isa isa na ring nawala ang mga pinsan ng tatay ng apo ng kapatid ng pamangkin ni kuwan. Baka nagpa syudad na sila o nangibang bansa at iniwan ang sariling bayan.

Noong isang araw ay napanaginipan ko si Lola, nakangiti sya ng sabihin kong sasakay ako ng eroplano at tatawid ng langit para dalhan sya ng malalaking tsokolate at mansanas. "Ay sarawayon ka gid", ang sabi nya, "ano imong ginahambal, wara na gani ko'y ngipon, anhun pa naku ang mansanas, wa na kadulot! Ayaw na pagkadto", sabay tawa at kurot sa aking tuhod.

Hindi ko alam kung bakit ako aalis pero kailangan. Minsan kapag bumukas ang pinto, dapat itong puntahan para malaman kung ano ang nasa kabilang dulo. Maaring masaktan, magkamali, madapa, masugatan, pero hindi ito ang pinaka nakakatakot na pwedeng mangyari sa buhay. Mas nakakatakot mabuhay ng parating nagtatanong ng kung ano kaya sana.

Sabi nila, marami daw ang nakakalimot lumingon sa kanilang pinanggalingan. Sa tingin ko, hindi ito mangyayari sa kin

23 minuto makalipas ang ika-4 ng umaga, ika-2 ng Hulyo, 2013

0 Comments

Copyright © 2018 poeticnook All rights reserved. Theme by Laptop Geek. | Bloggerized by FalconHive.